Sinabi ni talent manager Annabelle Rama na wala siyang oras na makipag-usap sa asawa ng kanyang anak na si Sarah Lahbati. Ito ay matapos siyang tanungin ng ABS-CBN showbiz reporter na si MJ Felipe kung totoo ang balitang may hindi pagkakaunawaan sa kanilang dalawa ni Sarah.
Sa sagot ni Annabelle, “Hindi ko siya nakakausap. Wala akong time makipag-usap sa kanila.”
Nang tanungin si Annabelle tungkol sa tunay na estado ng relasyon nina Richard at Sarah, sinabi niyang hindi pa siya maaaring magsalita.
Kwento ni Annabelle “Hindi pa ako pwedeng magsalita e. Basta sabihin ko sa ‘yo, si Richard nasa akin ngayon. Ang mga bata [Zion at Kai] na kay Richard,”.
Aminado rin si Annabelle na mahirap para sa kanyang anak ang kasalukuyang sitwasyon.
“Mahirap sa kanya kasi unang-una, trabaho siya nang trabaho. Wala siyang ibang ginawa kundi magtrabaho. Pagdating niya sa Manila, hindi niya alam bakit nagkaroon ng gulo… Mag-antay na lang kayo kasi malalaman n’yo rin. Not now,” lahad pa ng ina ni Richard.
Natanong rin si Annabelle tungkol sa balita na malakas gumastos si Sarah.
“Nakikita mo naman, hindi mo na kailangang magsalita pa. Nakikita mo na yan. Si Richard trabaho nang trabaho, ‘yung isa nagwawaldas ng pera. ‘Yun lang ang masasabi ko diyan,” pagbibigay diin ni Annabelle.
Kuwento rin ni Annabelle ang plano ng kanilang pamilya na magpunta ng Japan para doon magbakasyon at mag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon.
“Lahat kami pupunta ng Japan, Christmas hanggang January 3… Sama-sama buong pamilya ko, minus 1 nga lang,” pahayag niya.
Matatandaang noong nakaraang buwan, umugong ang balita ng tila hiwalay na sina Sarah at Richard matapos mapansin ng mga netizens ang kawalan ng mga larawan na magkasama ang dalawa sa social media at ang hindi kumpleto na family bonding sa kanilang mga post kasama ang mga anak.
Nabanggit din sa isang episode ng “Showbiz Now Na” na tila may kaugnayan si Annabelle sa isyu ng hiwalayan ng dalawa.