Maaga sa umaga ngayong araw, Disyembre 20, inanunsyo ni Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na isinante na sa kanilang pwesto ang dalawang pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) na sangkot sa pag-upload at pagpapakalat ng video ng crime scene sa pagpanaw ng beteranong aktor na si Ronaldo Valdez.
Ang dalawang pulis na ito ay kasama sa mga unang rumesponde sa insidente sa bahay ng aktor sa New Manila, Quezon City, noong Linggo, Disyembre 17. Binanggit din ni Fajardo na ang station commander sa lugar ay sinuspinde din dahil sa prinsipyo ng “command responsibility” dahil ang dalawa niyang tauhan ang sangkot sa pangyayari.
Wala pang pangalang ibinigay ang PNP sa mga pulis na tinanggal sa kanilang pwesto. Iniimbestigahan na rin ang posibilidad na maaaring kasuhan ang mga pulis sa ilalim ng Anti-Cybercrime Law dahil sa paglabag sa privacy at kawalan ng respeto sa yumaong aktor at sa kanyang pamilya.
Matapos ang pagkalat ng video, naglabas ng reaksyon si Jamela Santos, talent manager ni Ronaldo Valdez, at nanawagan ng tigil sa pagpapakalat ng naturang video. Nagpahayag siyang galit sa mga taong nagpapakalat nito at nagdagdag ng pangako na babalik sa kanila ang kanilang ginagawa. Ang kapulisan ay nakikiusap din sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng video alinsunod sa hiling ng pamilya ng yumaong aktor.
“Stop this!!!!! Do I have a friend from NBI? Please help!!! Why can people be soooo cruel!!!! I can’t believe it!!!! Ano, para maka-scoop kayo???? Para mag-trending kayo?????!!!!” saad ni Jamela.
Dagdag pa niya, “How can you be soooo low! Mga walang respeto!!!!! A GOOD and a brilliant man like him doesn’t deserve this!!!!! Babalik [sa inyo] lahat ng ginawa [niyo]!!!! It’s just a matter of time.”