Talaga namang nagulat ang buong Dabarkads sa di-inaasahang pagbisita ng dating Eat Bulaga veteran host na si Jimmy Santos sa kanilang episode noong Sabado, ika-14 ng Oktubre, 2023.
Si Jimmy ay isa sa mga surprise guest ng noontime show na E.A.T bilang bahagi ng selebrasyon para sa ika-77 kaarawan ni Joey de Leon.
Sa segment na “Gimme 5” ng E.A.T., nagkaroon ng espesyal role si Jimmy nang ipakilala siya ni Wally Bayola bilang Daddy Ethan, na umano’y driver niya mula sa kanilang sketch kasama si Atasha Muhlach.
Makikita sa mukha ng ilang Legit Dabarkads ang kanilang labis na pagkagulat dahil wala silang alam na darating si Jimmy.
Ito ay nagdulot ng emosyonal na reaksyon mula sa mga host ng E.A.T., kabilang na sina Paolo Ballesteros, Allan K, Wally, at Vic Sotto.
“Happy birthday. Alam mo naman na hindi kita makalimutan,” pagbati Jimmy kay Joey habang inaabot ang binili nitong cake.
Agad namang hiniling kay Jimmy na magbigay ng mensahe kay Joey ng isa sa mga co-host niya, si Vic.
Nakakatuwang pagbagti pa ni Jimmy sa tinaguriang Henyo Master, “I like to greet you a happy, happy, happy birthday.
“Whatever happens in this country, I still love you all three times a day.”
Bukod kay Joey, nagkaroon din si Jimmy ng mensahe para sa mga manonood ng E.A.T. Sa kanyang mensahe, binanggit niya ang pangalan ng dating noontime show ng TVJ (Tito, Vic, and Joey) sa GMA-7.
Mensahe pa ni Jimmy, “Especially those people [studio audiences] surrounding vicinity.
“I miss you all. Thank you very much, still here Eat Bulaga! is still here to stay.”
Natatawa naman siyang itinama ni Vic.
“Mali, mali, E.A.T., wala ka talagang kupas,” sabi sa kanya ni Vic.
Mabilis naman itong tinama ni Jimmy, “E.A.T. pala is here to stay. Thank you so much.”
Ang huling beses na napanood si Jimmy sa Eat Bulaga ay noong Disyembre 2021, nang siya ay maging bahagi ng Christmas episode ng kilalang segment na “Bawal Judgmental” ng pinakamatagal na noontime show.
Sa kasalukuyan, si Jimmy ay naninirahan sa Canada. Bagamat hindi na siya aktibo sa telebisyon, pelikula, o hosting, aktibo naman siya sa paggawa ng mga vlog sa kanyang YouTube channel.