Sa ikalawang pagkakataon, nakuhanan ang TV host-actress at content creator na si Alex Gonzaga habang buntis sana sila ng asawang si Lipa City Councilor Mikee Morada.
Ito ay nangyari noong nakaraang Oktubre pagkatapos ng pangalawang miscarriage ni Alex, na inamin niya sa isang panayam kasama ang kanyang kapatid na si Toni Gonzaga sa kanyang YouTube channel na “Toni Talks.”
Ayon sa vlogger, nakunan siya matapos sumailalim sa in-vitro fertilization (IVF), isang pamamaraan ng pagbubuntis kung saan pinagsasama ang itlog ng babae at semilya ng lalaki sa isang laboratoryo sa halip na natural na pag tatalik.
Ipinahayag ni Alex na ang desisyon na subukan ang IVF ay dulot ng pressure mula sa mga taong nasa paligid niya na magkaroon na sila ng anak.
Bukod dito, napanood rin ni Alex ang isang panayam tungkol kay dating United States First Lady Michelle Obama, kung saan siya rin ay nakunan bago manganak sa pamamagitan ng IVF.
“Basta nakita ko sinabi niya (Obama) na nagkaroon siya ng miscarriage then after two years, hindi sila makapag-conceive ni Barack (Obama), so sabi niya mag-IVF siya. So by 34, nag-conceive siya then at 36. Through IVF pareho ‘yun,” kuwento pa ng aktres at TV host.
Nang mangyari ang pagkunan, humingi raw si Alex ng paumanhin kay Mikee dahil talagang all-out ang suporta na ibinigay nito sa kanya mula nang sila ay magpa-IVF.
“I was so pressured na. Pagkatapos sabi ko kay Mikee, ‘Mike, sorry.’ Sabi niya, ‘Bakit ka nagso-sorry? Ang dami pa nating embryo. Go lang.’
“Very supportive siya talaga pero hindi niya ipinapakita ang mga emotions. Pinaramdam niya sa akin na siya ang partner na hindi ipaparamdam sa ‘yo na kasalanan mo,” aniya pa.
Naikuwento rin niya kay Toni na talagang ipinagdasal niya kay Lord na sana ay bigyan na sila ni Mikee ng anak, at naramdaman niya ang takot at agam-agam. Ipinakita niya ang mga emosyon ng isang ina na nag-aalala tungkol sa kalalabasan ng kanyang pagbubuntis.
Nang magkaroon ng pag-uusap tungkol sa kanyang pagbubuntis ang kanyang doktor, naging kumplikado at masusing paliwanag ang ginawa, kung saan gumamit ito ng mga medikal na termino. Ngunit pinayo sa kanya na maging pasensiyoso sa paghihintay dahil maaaring mabagal ang pag-unlad ng kanyang pagbubuntis.
“First punta namin, ano e, walang nakikita e. Tapos may nakitang mass, sa fallopian tube. Tapos nakikita ko hindi na maganda ‘yung mga nangyayari,” pag-alala ni Alex.
“So alam ko na may something wrong doon sa second pregnancy. Sabi nila, we have to wait. Ganoon din nangyari sa amin sa first pregnancy namin. We have to wait another week to see baka naman it’s slow,” aniya pa.
At bago nga sumapit ang kanyang final check up, parang kinausap daw siya ng Diyos, “Noong naliligo ako parang bigla lang akong kinausap ni Lord na parang, ‘Why are you in a rush to be pregnant? Why?’
“Tapos naiyak ako, kasi parang naisip ko, ‘Oo nga ‘no, ba’t ba ako in a rush, bakit hinihingi ko kay Lord is, ‘Lord sana bukas pregnant na ako, sana talagang matuloy na ‘tong pregnancy ko,’” aniya pa.
Sabi naman sa kanya ni Toni, “Ikaw kasi lahat sinasabi, ‘si Alex na ‘yung susunod’. Alam mo ‘yung baby shower ko? ‘Alex, ikaw na’. Tapos lahat ng video mo, ‘Pregnant na si Alex, hindi lang niya sinasabi.’”
Pahayag ni Alex, matapos ang mapait na pinagdaanan, mas tumaas pa ang respeto at paghanga niya sa mga nanay na sumasailalim sa IVF procedure para mabuntis.
“Kapag (na-conceive) kayo ng IVF, mahalin niyo ang nanay niyo. Kasi dito makikita ang hardship at ang daming pinagdaanan para lang mabuo ka. Grabe ang respect ko sa mga nanay sa pinagdaanan niyo,” paalala pa ng vlogger sa mga anak na produkto ng IVF.
Mayroon siyang mensahe para sa mga kababaihan na hindi pa rin makabuo ng anak at para sa mga katulad niyang ilang beses nang nakunan.
“Huwag kayong magagalit kay Lord because may reason talaga. Always pray na ma-comfort ka niya. God always comforts the brokenhearted.
“Tapos kapag may bad news, sabihin niyo, ‘Lord, be with me. Yakapin niyo ko the whole time para hindi ako masaktan at para hindi ako madurog.’ Sasamahan ka talaga niya,” sabi ni Alex.
Matatandaan na maraming netizens ang nakapansin na parang buntis si Alex sa isang video na ipinost niya sa Instagram habang sumasayaw.