Mariing itinanggi ni Daniel Padilla ang usap-usapang hiwalay na sila ng kanyang onscreen partner at matagal nang kasintahan na si Kathryn Bernardo. Matapos ang ilang araw na umiikot ang balita ukol sa diumano’y paghihiwalay ng dalawa, kinumpirma ni Daniel na wala itong katotohanan.
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram story, ipinakita ni Daniel ang video ni Kathryn para sa Preview, kung saan ito ang cover ngayong buwan. Sa simpleng paraan, ipinaalam ni Daniel na ito’y pawang kasinungalingan ang mga lumabas na balita.
Kaya naman, agad na nagdiwang ang mga tagahanga ng KathNiel sa X (dating Twitter) dahil patuloy na matatag ang pagsasama nina Daniel at Kathryn sa kabila ng mga ibinabato sa kanilang mga isyu.
Naalala ng marami ang masigla at masusing pag-uusap tungkol sa relasyon ng dalawa nang ibalita ni Ogie Diaz, isang talent manager, ang umano’y paghihiwalay ng dalawa.
Bagamat sinabi ni Ogie na wala pang kumpirmasyon sa kanyang ibinalita, maraming fans ang nagpahayag ng kanilang pagtutol.
Nagbigay pa ng dagdag na alarma sa mga tagahanga nina Kathryn at Daniel ang pagkakadawit ng pangalan ng aktor kay Andrea Brillantes, isang kapwa Kapamilya star. Ayon sa isang source na isinapubliko ni Ogie, may mga patago raw na pagkikita ang dalawa.
Ngunit noong Biyernes ng gabi, ika-10 ng Nobyembre, pasimpleng nilinaw ni Daniel ang mga balita na naglalabasan. Lumabas rin ang screenshot ng usapan nila ng isang netizen kung saan pinuri ni Daniel si Kathryn at sinabing maganda ang kanyang girlfriend.
Sa maikling sagot ni Daniel, sinabi niyang, “I know.”
Marami rin sa mga tagahanga ng KathNiel ang hindi napigilang magpasaring kay Ogie dahil sa unang ulat nito.
“ayan na ah? daniel padilla finally debunking the kathniel break up allegations. clear na rin naman na siguro na fake news yung b/lythe issue ano? mananahimik na ba mga marites? ikaw mananahimik ka na, @ogiediaz?” saad ng isang netizen.
Comment naman ng isa, “Ogie Diaz ano na ? I-close nalang kasi ang mouth.”
“ogie diaz can cry in the corner because daniel padilla will never be his talent while all he can do is spread false information about him,” sey naman ng isa.