Sa kanyang YouTube channel na “Julius Babao Unplugged,” nanawagan si John Wayne Sace na sana ay maalala siya muli ni Coco Martin upang mapasama sa seryeng “FPJ’s Batang Quiapo.”
Si Julius Babao ay nagpunta sa bahay ng aktor sa Pasig City, kung saan siya lumaki kasama ang kanyang lolo, tiya, tiyo, at mga pinsan.
Hindi na kasama ni John Wayne ang kanyang ina, na ayon sa kanya, ay walong taon nang hindi niya nakikita dahil may sarili na itong pamilya sa Amerika. Bihira rin silang magkausap at ayaw na rin niyang magbigay ng abala sa kanya.
Inamin ng binata na wala siyang trabaho ngayon at umaasa sa tulong ng kanyang tiya kapag may kaunting kaluwagan. Ang pag-arte ang kanyang tanging alam na maari niyang pagkakitaan kaya’t handa siyang tanggapin ang anumang role na maibigay sa kanya.
“Sa ngayon talaga sir (Julius) wala, wala ring manager. Ang huli ko sir ‘yung kay Kuya Coco. Role ko kontrabida pinakontak niya ako isa sa mga staff niya kay kuya Louie sa Instagram,” kwento ni John Wayne.
Sa kanyang pagganap, ginampanan ng aktor ang karakter na si Omar at may intensyong maghiganti kay Coco bilang Cardo Dalisay. Naniniwala siya na si Cardo ang pumatay sa kanyang mag-ina nang i-hostage ang mga ito.
Sa tanong ni Julius kung gaano katagal si John Wayne sa “Ang Probinsyano” at bakit hindi na na-renew, “nasa 10 months din po. Wala naman kasi talaga akong kontrata ro’n, tinulungan lang ako ni kuya (Coco), e, patapos na rin yata ‘yung Probinsyano no’n, ako na lang yata ang hinihintay (napangiti). So, nu’ng natapos siyempre gumawa siya ng Batang Quiapo siyempre kauumpisa palang. Sana maaalala niya ulit.”
Sabi naman ni Julius, sana ay mapanood ni Coco ang kanilang panayam sa kanyang YouTube channel at kontakin ulit ang aktor.
“Oo si kuya pa, (alam ko) busy lang ‘yun, eh,” Ani ni John Wayne.
Sinabi rin ni John Wayne na naging masaya siya sa mga taping ng “Ang Probinsyano.”
“Kulitan hindi naman maiwasan na magkaroon ng pikunan kasi pagod kayo pero kasama ‘yun. Hindi naman laging masaya, di ba? Lock-in po ‘yun kasi (panahon) ng Covid, may mga nakakalusot. Pero sa awa ng Diyos sa lahat ng test ko do’n, hindi ako nag-positive,” masayang pagbabalik tanaw ni John Wayne.
Nagiging paborito si John Wayne sa mga kapitbahay at kahit mga taga-lugar sa Pasig dahil sa mga magagandang bagay na nasasabi tungkol sa kanya. Biniro ni John Wayne ang isa na parang “mandurukot,” ngunit itinanggi agad ito ng isang matandang babae. Ayon sa kanila, mabait na tao ang aktor at bagamat may mga pagkakamali sa nakaraan, ang mahalaga ay ang kasalukuyan at hinaharap.
May mga kuwento pa tungkol sa pagiging mapagbigay ni John Wayne, kung saan kahit hindi nagbebenta ng ulam ang isang tindahan ay binibigyan nila ito ng pagkain kapag nakikita siyang naglalakad. Nakita rin sa video ang isang matandang babae na tila basa pa mula sa pagligo, na nakikinig at nanonood sa panayam kay John Wayne, at bigla siyang inabutan ng tinapay. Pati si Julius ay binigyan din ng tinapay.
Kaya’t ang tanong ni Julius, “sino siya?”
“Ah si Ate Amparo po kapitbahay namin, may dagat kasi sa likod kaya naligo (biro ng aktor). Bata palang po ako lagi na siyang nandito nu’ng buhay pa si lola (inaabutan ulit ng tinapay) hanggang sa tumanda ako,” kwento ni John Wayne.
“Ganyan lang siya minsan nagwawalis-walis dito. Hindi ko alam kung ilang taon na pero maliit pa po ako nandito na ‘yan. Kita nyo nga ang buhay, ‘yung mga kasabayan niya may mga pera, lahat ‘yun wala na pero siya kita ninyo naman, still alive and kicking.”
Sa aming nararamdaman sa panayam ni Julius, makikita ang pagnanais na bigyan si John Wayne ng pagkakataon na magkaruon ng trabaho, sapagkat bukod sa pangangailangan niya, nais din niyang patuloy na matuto sa larangan ng pag-arte.
“Kasi kung pupunta ka sa set bilang artista magsasawa ka, kaya ako nu’ng pagbalik ko dito sa Probinsyano ay bilang aktor kasi iyon ang forte ko. Gusto ko marami pa kaong matutunan kasi alam ko (kulang pa),”sambit ng umaasang si John Wayne.