Inireklamo ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) si Toni Fowler, isang aktres at content creator.
Ngayong araw, ika-27 ng Setyembre, isinampa ng KSMBPI ng kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 laban kay Toni Fowler, isang sexy vlogger.
Ang mga naghain ng kaso laban kay Toni sa Pasay City Prosecutors Office sa Pasay City ay sina Atty. Leo Olarte, ang Pangulo ng KSMBPI, kasama sina Atty. Mark Tolentino at Atty. John Castrisciones, mga Director ng KSMBPI.
Ayon sa mga abogado ng nasabing organisasyon, naisip nilang idemanda si Toni dahil sa tatlong music video na ipinakita niya kung saan siya ay kumakanta at nagpe-perform ng mga kabastusan.
May eksena daw kasi sa mga nabanggit na music video kung saan ipinakita ang mga maseselang bahagi ng katawan ng mga lalaki.
Hinayag din ng KSMBPI na maraming kabataan ang nakakapanood ng mga video ni Toni sa social media, kahit mayroon itong disclaimer na “for adults only” o hindi puwedeng panuorin ng mga bata.
Sabi pa ng KSMBPI, ang bawat video ay maaaring magresulta sa multa na nagkakahalaga ng P6,000 hanggang P12,000 at pagkakakulong ng hanggang 20 taon.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag na inilalabas si Toni tungkol sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sa mga nakaraang pangyayari, nagkaruon din ng kaso ang KSMBPI laban sa magkasintahang sina Vice Ganda at Ion Perez dahil sa “indecent acts” na umano’y ginawa nila sa isang episode ng “It’s Showtime.”