Ngayong araw, pumanaw na ang kilalan at beteranong broadcaster at news anchor ng GMA 7 na si Mike Enriquez. Siya ay may edad na 71 taon.
Kinumpira ang malungkot na balitang ito ngayong gabi sa ulat ng “24 Oras” ng GMA 7. Ang sabi sabi ay “Cardiac Arrest” ang kanyang ikinamatay pero wala pang opisyal na detalye mula sa kanyang mga kaanak hinggil sa tunay na sanhi ng kanyang pagpanaw.
Ang tanyag na personalidad sa larangan ng balita ang pansamantalang nagpaalam para sa kanyang kidney transplant noong 2021. Matagumpay ang kanyang operasyon noong Disyembre, 2021, ngunit kinailangang niyang magpahinga ng tatlong buwan upang tiyakin ang kanyang paggaling.
Sa loob ng tatlong buwang pagpapahinga, inamin niyang naglaan siya ng oras para mag-reflect. Ayon sa kanya, nagkaroon siya ng “seryosong pag-iisip” tungkol sa kanyang buhay at karera.
“I’m not yet finished with the process. It’s still ongoing for me. It’s about my future, my career, my life.”
“Ano bang gusto ko talagang mangyari sa buhay ko? Is it tine to turn off thr microphone? It it time to not turn ofc the microphone completely but to lessen the work, mga ganu’n ba?”
Gayunman, sinabi ni Mike na hindi pa siya handang magdesisyon at kasalukuyan pa rin siyang nasa proseso ng pagpapasya.
“Sometimes, sasabihin n’yo, ‘Ayoko na,’ or ‘Time to pack up and move on’, tapod after a while, move back na naman. I’m still in the process,” dating sinabi ni Mike.
Pagkatapos nito, nagpaalam muli si Mike sa ere upang ipagpatuloy ang kanyang pagpapagamot at mula noon ay hindi na siya bumalik sa kanyang trabaho bilang isang premyadong news anchor.
Si Mike ay isa sa mga anchor ng pangunahing news program ng GMA 7 na “24 Oras” at naging host din ng programa sa radyo na “Saksi sa Dobol B.” Naging host din siya ng “Imbestigador,” ang tinaguriang “sumbungan ng bayan.”
Bilang konsultant ng operasyon sa radyo ng GMA Network, presidente ng regional at radio subsidiary na RGMA Network Inc., at Station Manager ng Super Radyo DZBB, nagtagumpay rin siyang makamit ang maraming parangal. Ilan dito ang 10 Best Newscaster sa Star Awards for TV sa Pilipinas, kasama na rin ang isang Lifetime Achievement Award.
Naging makabuluhan rin ang mga karangalan ni Mike tulad ng pagkakaroon ng Best Newscaster award sa Asian Television Awards (Singapore, 1999); ginto sa New York Festivals (2003 para sa Saksi); at Silver Camera Award sa 2004 US Film and Video Festival sa Hollywood para sa kanyang dokumentaryo tungkol sa Iraq.
Sa karagdagan, itinanghal din siyang 1999 Golden Dove Awards Best Male Newscaster at 1999 Ka Doroy Valencia Broadcaster of the Year Award.
Si Mike ay tanyag din sa pamamahayag bilang “Booma.” Siya rin ang nagpakilala sa mga katagang “Excuse me po!,” “Hindi ko kayo tatantanan!,” at “Naloko na!” na madalas niyang banggitin habang nagbibigay ng balita.